www.sulongnetwork.ph
MENU
Home
About Us
News
Programs
Resources
Links
Forum
Site Map
CONTACT INFORMATION

Sulong CARHRIHL
24F Malingap St.
Teachers' Village
Diliman, Quezon City 1101

secretariat@sulongnetwork.ph sulongcarhrihl@yahoo.com

Tel: (632) 794 1231
Fax: (632) 434 0289
Mobile: (63916) 235 0467

www.sulongnetwork.ph

To join our mailing list click here.

MAIL

UserID:
Password:


Mga mayaman na karanasan sa pakikisalamuha’t paglubog sa katutubong komunidad

December 2008 - Joeven Reyes

“Nang nagpunta ako sa Abra ay natutunan ko mula sa aking pakikisalamuha sa isang kasapi ng kabataang samahan na sila ay nagsasagawa ng mga pag-aaral hinggil sa karapatan ng mga bata at samu’t saring aktibidad para pag-ibayuhin at pagyamanin nila ang kanilang kultura. At higit sa lahat, ginagawa nila ang mga ito para sa pagtataguyod ng karapatan ng kabataan na sila ay ‘wag marekrut ng kahit na sinong armadong grupo sa kanilang lugar.” Ito marahil ang maglalarawan ng mayamang karanasan ng mga katutubo sa inilunsad na “Indigenous Peoples (IP) Exchange Visit Program” ng Sulong CARHRIHL.

Taong 2007, unang inilunsad ng Sulong CARHRIHL ang IP Exchange Visit Program sa Luzon. Hindi maitatanggi dahil sa patuloy na armadong labanan sa pagitan ng gobyerno at ng CPP-NPA-NDF, kalakhan ng mga biktima ay ang mga inosenteng sibilyan tulad ng mga katutubong komunidad. Layunin ng programa na kumalap at mai-dokumento ang mga buhay na karanasan ng mga katutubong komunidad sa epekto ng walang tigil na labanan sa pagitan ng dalawang panig partikular ang epekto nito sa mga katutubong komunidad.

Layunin din ng programa na alamin at suriin ang mga iba’t ibang pamamaraan o sistema kung paano pinapanatili ng mga katutubong komunidad ang kapayapaan sa kanilang lokalidad. Upang maabot ang mga nasabing layunin, serye ng pag-aaral ay isinagawa sa pamamagitan ng paglunsad ng impormal na konsultasyon, mayroon ding workshop at pakikipanayam sa mga katutubong komunidad.

Mula dito nabuo ang “IP Exchange Visit Program”. Layunin ng programa na magbigay ng oportunidad sa mga katutubo na makasalamuha ang ibang tribong katutubo, makapag-ambag ng kanilang karunungan at matutunan mula sa ibang katutubong komunidad ang kani-kanilang kaugalian at aktuwal na karanasan sa pagtugon sa sitwasyon ng armadong labanan. Higit pa dito ay paano nila pinapanatili ang kapayapaan sa kanilang pamayanan.

Mula 19-28 Setyembre 2008, nagsama-sama ang ating mga kapatid na katutubo mula sa TIPON ng Tubo, Abra, Indigenous Peoples’ Apostolate (IPA) ng Prelature of Infanta, ang Tribal Organization ng Pampanga, IPA ng Diocese of Malolos (Bulacan), Tribal Center for Development o TCD ng Northern Quezon, Socio-Pastoral Action Center Foundation-SPACFI ng Camarines Norte, Mangyan Mission ng Apostolic Vicariate ng Calapan sa Mindoro Oriental at ang Social Services Commission (SSC) ng Apostolic Vicariate of San Jose sa Mindoro Occidental para sa “IP Exchange Visit Program” ng Sulong CARHRIHL.

Mga pamamaraan ng pagtugon ng katutubong komunidad sa armadong labanan.

Likas sa mga katangian ng ating mga kapatid na katutubo ay pagiging matahimik at mababait. Kaya nga kadalasan ang mga katutubo ay lumilikas sa kanilang komunidad hindi para maghanap ng bagong lugar na pagtataniman o paghahayupan kundi upang maiwasan na madamay sa engkwentro ng magkabilang panig at maging biktima nito. Ngunit ang paglikas na ito ay sa loob lamang ng maikling panahon. Ang kabuhayan at buhay ng mga katutubong komunidad ay nakaugat sa lupa at sa kanilang mga sinilangang pamayanan.

Double Bracket: Ayon nga sa isang kalahok sa IP Exchange Visit Program, “(n)akita ko na angkop sa aming pamayanan ang negosasyon sa dalawang armadong grupo at hindi angkop ang basta na lamang umiwas at lumikas mula sa komunidad dahil sa armadong labanan.  Sa aming pamayanan ay kayang parusahan kahit sinong armadong grupo na napatunayan na lumabag sa aming mga katutubong batas.  Dahil sa alam din namin ang CARHRIHL, isa din itong instrument upang panagutin sinumang armadong grupo hinggil sa nilabag nitong batas sa aming komunidad.”

Malaki ang papel na ginagampanan ng mga pinuno o lider ng katutubong komunidad sa pagtugon sa mga ganitong sitwasyon. Hiwalay nilang kinakausap ang dalawang panig na mistulang isang negosasyon upang mahikayat na iwasang manatili o mag-kampo sa kanilang komunidad upang sa gayun ay huwag madamay ang mga katutubo sa labanan. Mainam itong pamamaraan. Sa katunayan ang Dap-ay sa Tubo, Abra at Pantribung Samahan sa Kanlurang Mindoro o PASAKAMI sa Mindoro Occidental ay nakapaglunsad na ng pormal na kasunduan mula sa dalawang panig kaugnay sa bagay na ito.

Mahalaga din ang paglulunsad ng “cultural sensitivity training” sa mga sundalo hinggil sa mga tradisyon, gawi, paniniwala at kultura ng ating mga katutubo. Ang pagkilala, paggalang at pangangalaga sa mga karapatan ng mga katutubo ay susi sa pagtamasa natin at ng mga kapatid natin na katutubo ng pagkakapantay at kalaayan sa diskriminasyon. Ito ay bahagi ng program ng pederasyon ng mga Tribung Mangyan sa Mindoro Oriental.

Maliban sa mga pakikipagdayalogo at paglulunsad ng pagsasanay, ang pago-organisa at pagbubuo ng organisasyon ng mga katutubo sa Pampanga, Mindoro Oriental, Mindoro Occidental at Camarines Norte ay mahalaga para sa pagtataguyod ng mga karapatan ng mga katutubo. Kaalinsabay nito ay ang patuloy na pagsasanay at pag-aaral ng mga lider upang maiangat at mapahusay ang kanilang kakayahan sa pakikipag-usap o pakikipag-negosasyon sa dalawang panig. Mahalagang bahagi rin ng kanilang pago-organisa sa gawaing pangkapayapaan ay ang patuloy nilang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na organisasyon at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Walang duda na may mahalagang papel ang mga kabataan at kababaihan sa pagpapanatili ng kapayapaan sa komunidad. Ang kanilang kakayahan at kahalagahan ay kinikilala.

 Kwento nga ng isang kabataang Dumagat, “(m)ahalaga ang papel ng mga kabataan para panatilihin at pagyamanin ang kultura ng kanilang tribo. Mapapaunlad namin ang aming kultura kung katulad ng mga Mangyan kaming mga Dumagat ay magkakaisa at magtutulungan.”

Dagdag ng isang katutubong kalahok mula sa Abra, “ang mga kababaihan sa amin ay ‘pumapagitna’ sa dalawang armadong grupo upang pigilan ang alin mang pagsiklab ng dahas sa pagitan nila na maaaring madamay ang mga katutubo sa komunidad.”

Text Box: Ayon sa isang Dumagat mula sa Northern Quezon na pumunta sa komunidad ng mga katutubong Kabihug sa Camarines Norte, “(n)akita kong mahalagang ginawa ng mga Kabihug ang kanilang pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan na silang kumakausap sa mga armadong grupo tulad ng militar hinggil sa kaugalian ng mga katutubong Kabihug na dapat igalang ang kanilang karapatan bilang tao at bilang katutubo.”      Sa karanasan ng mga katutubo sa Pampanga, mahalagang gawain ang dokumentasyon ng mga pang-aabuso o paglabag sa mga karapatang pantao ng dalawang panig sa kanilang komunidad. Nakakatulong ang dokumentasyon sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao na igiit ang kanilang karapatan.

Isang pamamaraan din ng pagtugon ng mga katutubo ay ang hindi pagsali sa alinmang armadong grupo. Malaki ang papel dito ng mga Council of Elders. Dahil sila ang tumatayong lupong tagapamayapa, bahagi ng kanilang tungkulin na siguruhin na walang katutubo ang mapapasama o mapapasali sa armadong grupo.

Ayon sa isang Dumagat na pumunta sa isang Tribo ng Mangyan, “(m)ay nangyaring pambubugbog sa isang Mangyan, ang ginawa ng mga Council of Elders ay maagap silang nakipag-usap sa mga pinaghihinalaang may kagagawan ng pambubugbog sa Mangyan na kasama ng armadong grupo. Mabilis ang naging tugon dito. Isang kasunduan o Memorandum of Agreement (MOA) ang naitakda sa pagitan ng PASAKAMI at ng mga armadong grupo. Nakapaloon sa MOA na ang mga Mangyan ay hindi maaaring pilitin o pwersahin na humawak ng kahit anong uri ng armas at hindi hihikayating sumama o sumali sa kahit anumang armadong grupo.”

 Text Box: Ayon sa isang Mangyan na nagpunta sa Tribong Dumagat sa Bulacan, “(n)akita ko sa kanilang mga matatandang lider katutubo ang kanilang pagiging matapang na harapin ang mga taong pumapasok sa kanilang pamayanan at kausapin ang mga ito na huwag manatili sa kanilang lugar upang maiwasan ang armadong labanan at upang hindi madamay ang mga katutubo.  Mahalaga para sa akin na ang lider ay hindi nagpapakita ng takot sa kanyang pinamumunuan.”

Mga magagandang aral ang natutunan ng mga katutubong kalahok sa pagpunta sa ibang katutubong pamayanan.

Isa sa hindi makakalimutang aral na natutunan ng mga kalahok na katutubo sa pagpunta nila sa mga komunidad ay ang pagkakaroon ng isang matatag na lider at organisasyon na pinamalas ng PASAKAMI (Mindoro Occidental), Dap-ay (Tubo, Abra), Mabalacat Tribal Association (Pampanga), Tribal Center for Development (Northern Quezon), Tribal Council of Elders (Bulacan) at Kalipunan Para sa Lupaing Ninuno (KPLN) ng Mindoro Oriental.

Ayon naman sa isang Dumagat mula sa Bulacan na nagpunta sa Tribo ng Mangyan, “(a)ng aking natutunan na maaari kong ibahagi sa aming komunidad ay ang pago-organisa ng lahat ng tribo sa Bulacan at pagtatatag ng malawak at matatag na samahan ng mga tribo tulad ng PASAKAMI sa Mindoro Occidental.

 Dagdag pa ng isang kalahok mula sa Tubo, Abra, “(s)a aking palagay, mapapaunlad namin ang aming samahan kung kami rin ay magsasama-sama bilang isang pederasyon ng iba’t ibang tribo ng Tinguian.”

Napakahalaga na pinapanatili ang mga katutubong pamamaraan sa paglutas ng mga kaguluhan sa komunidad. Ito ay isinasagawa pa rin sa Tubo, Abra ng kanilang Dap-ay at sa Mindoro ang Gurangon. Pinapairal pa rin ng mga matatandang lider ang pagsunod ng dalawang panig hinggil sa katutubong batas na umiiral sa komunidad. Ang mga batas katutubo na ito at ang responsibilidad na panatilihin ang mga ito ay ipinapasa rin ng mga matatanda sa mga susunod na henerasyon.

Napakahalagang aral din para sa mga kalahok ang nakita nilang pagkakaisa at bayanihan sa loob ng komunidad.

Ayon sa isang Kabihug na nagpunta sa isang Tribung Dumagat sa Northern Quezon, “(i)pinapatupad ng buong pamayanan lalo na ng mga lider, kababaihan at kabataan ang kanilang batas na bawal silang apihin at bawal pumasok ang sino mang armado. Nagtutulungan ang mga lider at kababaihan upang hindi maging patuloy ang armadong labanan. Buhay sa kanila ang kultura ng pagkakaisa.”

 Ang patuloy na edukasyon hinggil sa mga karapatan na nakasaad sa Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) at Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) ay isang mayaman na karanasan para sa mga komunidad sa Pampanga, Northern Quezon at Bulacan. Ang edukasyon ay naisasagawa nila sa pamamagitan ng pagkukwento matapos ang paglunsad ng pagsasanay sa tulong ng Sulong CARHRIHL. Ang patuloy na edukasyon ay partikular na mahalaga sa mga kabataan ng Tubo, Abra upang maiwasan na sila ay marekrut sa kahit anumang armadong grupo.

Ibinahagi ng isang kalahok Mangyan na, “(n)atutunan ko sa aking pagkausap sa isang kasapi ng kabataang samahan sa pagpunta ko sa Abra na sila ay nagsasagawa ng mga pag-aaral hinggil sa karapatan ng mga bata at iba pang mga aktibidad upang mapanatili at maipagpatuloy nila ang kanilang kultura at upang walang Kabataan na marekrut ng kahit na sinong armadong grupo.”

Ang mga positibong pagtugon ng mga katutubo sa komunidad tulad ng dayalogo, pagpapalakas ng samahan sa pamamagitan ng pagpapalawak ng suporta mula sa iba pang mga lokal na organisasyon at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, ang gawaing dokumentasyon ng mga pangyayari sa komunidad at ang aktibong pakikilahok para sa pagsusulong ng kapayapaan ay mga mahahalagang karanasan ng mga katutubo sa komunidad na dagdag sa kanilang mga natutunan sa nasabing programa.

Hindi malayo sa mga katutubong bahagi ng “IP Exchange Visit Program” maisakatuparan ang kanilang plano na maglunsad ng isang Kongreso, na nakaugat sa kanilang hangarin na itaguyod at ipagtanggol ang karapatang pantao at kapayapaan.

 

A Dumagat Chieftain from Northern Quezon shared his experiences and what he learned from visiting a Kabihog Community in Camarines Norte.

 

One of the hosts of the IP Exchange Visit Program, Mr. Norman Novio of Social Action Center, Vicariate of San Jose, Mindoro Occidental, was sharing what he had learned from the program and from hosting a participant from the Dumagat Tribe of Bulacan and Maeng Tribe of Tubo, Abra. These participants visited the Mangyan communities.

 

 

 

 

 

 

UPDATES

2008
2007
2006

 
© copyright 2007 Sulong CARHRIHL Inc. | Peace Bird by Christopher Ku