Sa Isang Simpleng Pananaw:
Batas Militar sa Kabila ng Umiiral na Demokrasya
25 May 2008 - Heneral Nakar, Quezon (Ninoy Buendicho)
Kapayapaan ang aking ipinapaabot sa bawat taong interesadong bumasa ng nilalaman ng aking pagninilay na ito.
Kaming mga katutubo ay namulat sa isang malaya at maaliwalas na pamayanan. May kalayaan sa anumang mga kinaugalian na isagawa saan mang dako ng aming lupaing ninuno. Malaya kaming magtamasa ng mga likas yamang nariyan sa aming paligid. Walang pangamba o anumang takot na bumabalot sa aming isipan, walang pangamba na isang saglit ay may mangyayaring masama sa aming buhay. Kami ay may sariling pamamaraan ng pamamahala at pagpapatupad ng mga kinaugaliang batas (costumary laws). Malakas din sa amin ang pagkakapantay-pantay sa loob ng pamayanan sa mas malalim ay ang paggalang sa kapwa.
Sa kasalukuyan hindi maikakaila saan mang dako ng daigdig, ang mga katutubo ay isa sa mga naaapi at inaalipustang grupo ng mga mamamayan sapagkat sila ay bulnerable at walang magagawa. Kami rin ang kadalasang naninirahan sa mga malalayo at liblib na lugar. Sapagkat kami ay naitaboy na ng mga tagalabas ng aming pamayanan. Kaya naman sa paghahangad na makapagsarili ay lumalayo na lamang sa masalimuot na uri ng pamumuhay. Hindi rin maiiwasan na kami ay tuluyan o puntahan ng mga armadong grupo; militar man o NPA sapagkat kami ay walang kapasidad na kakayahan upang tumanggi dulot ng takot sa baril na siyang larawan ng kamatayan.
Noong nakaraang mga taon umigting ang pagtutunggalian ng mga armadong grupo sa bahagi ng Hen. Nakar, Quezon. Maraming mga mamamayan ang pinaperma at pinagawa ng salaysay na sila ay mga rebel returnee kahit na sila ay mga lehitimong mamamayan at walang kinalaman sa mga ipinaparatang nila. Hindi naman nagagawang tumanggi sapagkat kung tumanggi ay lalo pang lalala at malamang na masasaktan pa. Ayon sa mga sundalo na ito raw ay clearing –paglilinis ng mga pangalan. Sinimulan nila ang pagsasagawa nito sa bahagi ng baybayin ng Hen. Nakar. Marami ang mga mamamayang pinaghinalaan na supporter ng NPA.
Subalit ito ay isang kabalintunaan sa tingin ko sapagkat bakit ko lilinisin ang aking pangalan, alam ko naman na wala akong kasalanan. Hindi ako gumagawa ng mga ibinibintang nila sa akin. Ang katulad ba nito ay: isang babae na tumatanggi na siya ay babae, siya ba ay magiging isang lalaki? –kung hindi gumawa ng salaysay bilang pagsuko ay mangangahulugan na kasapi ng NPA kahit na alam ko na wala akong kaugnayan dito.
Sa kasalukuyan magtatapos ang taong kasalukuyan nagsagawa na naman ng ganitong aktibidad ang mga sundalo sa bahagi naman ng ilaya ng ilog agos sa bayan pa rin ng Hen. Nakar.Ganito rin ang mga pamamaraan na kanilang inuulit. Dinagdagan pa ito ng pagrerecruit ng CAFGU sa pamamaraang sila ang pumipili at mayroon silang mga listahan ng pangalan kung sino lamang ang kanilang kukunin upang maging CAFGU. Sa kanilang pananaw kinakailangan na sumama ang mga nakalista sapagkat kung hindi sila sumama ay sila ay NPA. Halos walang opsyon ang mga mamamayan sapagkat wala silang ibang alam na gagawin kundi ang sumama na lamang sa kanila kahit na ito ay labag sa kanilang mga kalooban.
Nakausap ko ang dalawa sa mga kinuha nila upang sumama sa pagka- CAFGU na ang kanilang mga pahayag ay sila ay napilitan lamang. Sila rin halos ay hindi makapangatwiran sapagkat hindi rin lang naman pinapakinggan. Sila ay nagnanais na bumalik sa kanilang mga tahanan upang ipagpatuloy ang mapayapang buhay ngunit hindi pinapayagan sapagkat kung ginawa daw nila ito ay nangangahulugan na sila ay pinipigilan ng mga NPA at sila ay kasapi ng mga ito. Kaya naman wala magawa ang mga ito bunga na rin ng pagiging ignorante sa kanilang mga karapatan at lalo na sa batas.
Subalit ang mga ito ay kinukondena at hindi pinahihintulutan batas na siyang umiiiral at nagpoprotekta sa mga tao laban sa mga di makataong gawain.
Ayon sa Universal Declaration of Human Rights-
Artikulo 3: Ang bawat tao’y may karapatan sa buhay, kalayaan at kapanatagan ng sarili.
Artikulo 11: Ang bawat tao na pinaparatangan ay dapat lamang na ituring na walang kasalanan hanggat hindi napapatunayang nagkasala alinsunod sa batas sa isang hayag na paglilitis na ipinagkaroon niya ng lahat ng garantiyang kailangan sa kanyang pagtatanggol.
Artikulo 12: Walang taong isasailalim sa di makatuwirang panghihimasok sa kanyang pananahimik, pamilya, tahanan o pakikipagsulatang ni sa tuligsa sa kanyang karangalan at mabuting pangalan. Ang bawat tao’y may karapatan sa pangangalaga ng batas laban sa gayong mga panghihimasok o tuligsa.
Artikulo 18: Ang bawat tao’y may karapatan sa kalayaan sa pag-iisip, budhi at relihiyon; kasama sa karapatang ito ang kalayaang magpalit ng kanyang relihiyon o paniniwala maging nag-iisa o kasama ang iba sa pamayanan upang ipakilala ang kanyang relihiyon o paniniwala sa pagtuturo, pagsasagawa pagsamba at pagtalima.
Artikulo 20 : Walang sino mang pipiliting sumapi sa isang kapisanan.
Ayon sa CARHRIHL Comprehensive Agreement for Respect on Human Rights and International Humanitarian Law:
Artikulo 12: Karapatan ng mga katutubo sa pagsasarili at sa kanilang lupaing ninuno at likas na yaman; at pantay na pagtatamasa sa ekonomiya politika, pamumuhay at samahan.
Artikulo 13: Bawasan ang mga gasto sa militar at tutukan ang mga programang pangkaunlarang sosyal, ekonomiya at pangkulturang programa.
Artikulo 14: Ang bawat partido ay dapat na maglunsad ng mga pag-aaral at kampanya sa Pandaigdigang Batas Makatao- International Humanitarian Law, pangunahin sa kanilang hanay at sa mga apektadong lugar.
Samakatuwid ito ay mga bahagi ng karapatan ng mamamayan at tungkulin nila na nilabag at nilapastangan ng mga taong dapat sana ay siya ang nagtatanggol at nagpapatupad ng mga ito.
Sa kasalukuyan na umiiral ang pamahalaang demokrasya nararapat lamang na mangibabaw ang karapatan ng mga mamamayan. Kahit na sa panahon na may aramdong tunggalian ay hndi dapat na makalimutan na may batas pa rin na umiiral. Ang mga ito ay nararapat lamang na igalang ng mga militar o kaya ay ng mga NPA.
Sa pamamagitan ng mga nabanggit sa itaas nito ay nagmimistulang batas militar sa kasalukuyan kahit na umiiral ang demokrasya-ang mamamayan ay higit na mataas kaysa sa sundalo. Lalo na sa mga ginawang pagkuha ng CAFGU lalo pa’t ang mga ito ay katutubo.
Kaya naman bilang isang malayang mamamayan kasama ang mga tao at grupong nagtataguyod at nagmamalasakit sa tunay na kapayapaan at paggalang sa mga karapatang pantao. Tahasan kong ipinapahayag ang aking pagkondena sa maling gawain ng alin man sa dalawang partido lalo na ang mga ginagawa ng mga sundalo sa kasalukuyan sa bahagi ng Brgy. Pagsangahan, Hen. Nakar, Quezon.
***
Si Ninoy Buendicho ay isang katutubo ng Hen. Nakar, Quezon.