Manindigan Sa Peace Talks
Patuloy na Panindigan ang Peace Talks Para sa Mamamayan
Hunyo 2011 – Ang pag-antala at pagpapaliban sa usaping pangkapayapaan ay hindi makakabuti sa panlipunang aspirasyon para sa ganap at makatuwirang kapayapaan lalo na sa mga komunidad na direktang apektado ng labanan.
Hindi na lingid sa kaalaman ng nakararami ang nailathalang hangarin ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa pagpapaliban ng pormal na usapan ngayong Hunyo dahil sa hindi pagtalima ng Gobyerno ng Pilipinas (GPH) sa panawagan nila na palayain ang kanilang mga kasama na sina Alan Jasmines at 17 iba pang NDPF Consultants at JASIG – Protecred personnels na umano ay kabahagi sa pag-uusap at sakop ng Joint Agreement on the Safety and Immunity Guarantee (JASIG).
Habang wala pang opisyal na pahayag ang dalawang panig sa pagpapaliban sa pormal na pagtatagpo ngayong buwan ng Hunyo, umaasa ang mga mamamayan na malalampasan ng mga kinatawan ng magkabilang panig ang mga usapin na maaaring maging dahilan sa pagpapaliban at pagkaantala ng usapan.
Muli ang Manindigan sa Peace Talks ay nananawagan sa dalawang panig na:
IPAGPATULOY ANG PEACE TALKS
Isinasaalang-alang pa rin na sana mangibabaw ang esensya o tunay na hangaring makamit ang minimithing kapayapaan sa bansa. Higit sa lahat sa ganitong pagkakataon lalong nasusubukan ang tatag ng sinseridad at paninindigan ng magkabilang panig. Isang malaking hamon ngayon na sana ay lalo nilang ipakita at patotohanan ang mga ito. Samakatuwid:
• Resolbahin ang mga isyu na maaaring maging sanhi ng pagsuspindi ng usapan:
Seryosong bigyang solusyon ang sanhi ng hindi pagpapatuloy ng pag – uusap gaya ng usapin sa JASIG, partikular ang pagpapalaya kina Alan Jasmines at iba. Hamunin ang magkabilang panig na tuwirang siguruduhin ang mga opisyal na kabahagi ng JASIG para sa mga susunod pang mga usapang pangkapayapaan ay hindi na ito maging dahilan ng pagka-antala. Umaasa ang mga mamamayan na alin mang hindi pagkakaunawaan ng dalawang panig ay mapag – uusapan sa mahinahon at mapayapang pakikitungo.
• Hamon sa mga mamamayan:
Naniniwala tayo na ang usaping pangkapayapaan ay hindi lamang sa pagitan ng dalawang panig – ang Gobyerno ng Pilipinas at NDFP. Ito ay para sa kabutihan at kagalingan ng lahat. Naniniwala tayo na ang mamamayan ay kabahagi ng usapang pangkapayapaan dahil ang pinag – uusapan ay ating kapakanan. Ngayon higit kailanman kailangan nating iparamdam ang ating partisipasyon. Makibahagi at suporatahan ang kasalukuyang peace talks.
Ang Manindigan sa Peace talks ay patuloy na mangangampanya at susuporta sa makabuluhang pagpapatuloy ng usaping pangkapayapaan. Magpapatuloy ang ganitong pagsisikap upang lalong mapadiin ang pakikibahagi ng mamamayan at mga batayang sector ng lipunan sa usapang pangkapayapaan.







